| Chapter 5 |
1 | Pagkatapos ng mga bagay na ito ay may kapistahan ang mga Judio. Si Jesus ay umahon sa Jerusalem. |
2 | May dakong paliguan sa Jerusalem na nasa tabi ng tarangkahan ng mga tupa. Ito ay tinatawag na Betesda sa wikang Hebreo. Ito ay mayroong limang oridor. |
3 | Dito ay may napakaraming nakahandusay na mga maysakit. May mga bulag, pilay, at nanunuyot, na naghihintay ng paggalaw ng tubig. |
4 | May mga panahon na lumulusong ang isang anghel sa dakong paliguan at ginagalaw ang tubig. Ang unang makalu-song pagkatapos galawin ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na mayroon siya. |
5 | Naroroon ang isang lalaki na tatlumpu`t walong taon nang maysakit. |
6 | Siya ay nakita ni Jesus na nakahandusay. Nang malaman niya na matagal nang panahon na siya ay may sakit ay sinabi sa kaniya: Nais mo bang gumaling? |
7 | Sinagot siya ng maysakit: Ginoo, wala akong kasama na maglalagay sa akin sa dakong paliguan pagkagalaw sa tubig. Sa pagpunta ko roon ay may nauunang lumusong sa akin. |
8 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. |
9 | Dagling gumaling ang lalaki. Binuhat niya ang kaniyang higaan at lumakad. Noon ay araw ng sabat. |
10 | Sinabi nga ng mga Judio sa pinagaling: Ngayon ay sabat, labag sa kautusan na magbuhat ka ng higaan. |
11 | Sinagot niya sila: Ang nagpagaling sa akin ay siyang nagsabi sa akin, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. |
12 | Tinanong nga nila siya: Sino ang lalaking nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? |
13 | Hindi kilala ng pinagaling kung sino siya. Ito ay dahil si Jesus ay nakaalis na at maraming mga tao sa pook na iyon. |
14 | Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa templo. Sinabi sa kaniya: Tingnan mo, ikaw ay magaling na. Huwag ka nang magkasala upang hindi mangyari sa iyo ang malubhang bagay. |
15 | Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya. Ang Buhay sa Pamamagitan ng Anak |
16 | Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus. Pinagtangkaan nilang patayin siya sapagkat ginawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng sabat. |
17 | Sinabi sa kanila ni Jesus: Ang aking Ama ay gumagawa hanggang ngayon at ako ay gumagawa. |
18 | Dahil dito ay lalo ngang pinagtangkaan ng mga Judio na patayin siya. Ito ay sapagkat hindi lamang niya nilabag ang sabat kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Diyos na ipinapantay ang kaniyang sarili sa Diyos. |
19 | Tumugon nga si Jesus at sinabi sa kanila: Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman ang Anak sa kaniyang sarili malibang makita niya ang ginagawa ng Ama. Anumang mga bagay na ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. |
20 | Mahal ng Ama ang Anak at ipinapakita niya sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa. Higit na dakilang mga gawa kaysa sa mga ito ang ipapakita niya sa kaniya upang kayo ay mamangha. |
21 | Kung papaanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay gayon din binubuhay ng Anak ang nais niyang buhayin. |
22 | Ang Ama ay hindi humahatol sa sino man ngunit ibinigay niya ang lahat ng paghatol sa Anak. |
23 | Ito ay upang parangalan ng lahat ang Anak kung papaano nila pinarangalan ang Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya. |
24 | Totoong-totoo ang sinasabi ko sa inyo. Ang dumirinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Siya ay hindi na hahatulan kundi lumipat na mula sa kamatayan tungo sa kabuhayan. |
25 | Totoong-totoo ang sinasabi ko sa inyo. Ang oras ay darating at ito ay ngayon na. Maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos. Sila na nakarinig ay mabubuhay. |
26 | Kung papaanong ang Ama ay mayroong buhay sa kaniyang sarili ay gayon din pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili. |
27 | Ang karapatan ay ibinigay rin sa kaniya upang magsagawa ng paghatol sapagkat siya ay Anak ng Tao. |
28 | Huwag ninyo itong ikamangha. Darating ang oras na ang lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig. |
29 | Sila ay lalabas, ang mga gumawa ng mabuti ay bubuhaying muli patungo sa buhay. Ang mga gumawa ng masama ay bubuhaying muli patungo sa kahatulan. |
30 | Wala akong magagawang anuman sa pamamagitan ng aking sarili. Ako ay humahatol ayon sa naririnig ko. Ang aking hatol ay matuwid. Ito ay dahil hindi ko hinahangad ang aking kalooban kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin. |
31 | Kung ako ay magpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi totoo. |
32 | Iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin at alam ko na ang patotoong pinatotohanan niya tungkol sa akin ay totoo. |
33 | May pinapunta kayong mga Judio kay Juan at siya ay nagpatotoo sa katotohanan. |
34 | Hindi ako tumatanggap ng patotoo mula sa tao datapuwat sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo ay maligtas. |
35 | Siya ang nagniningas at nagliliwanag na ilawan. Kayo ay pumayag na magalak ng maikling panahon sa kaniyang liwanag. |
36 | Ako ay may patotoong mas higit kaysa patotoo ni Juan. Ang mga gawain na ipinagkaloob sa akin ng Ama upang tapusin ay nagpapatotoo tungkol sa akin. Ang mga gawaing ginagawa ko ay nagpapatotoong ang Ama ang nagsugo sa akin. |
37 | Ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan man ay hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig o nakita man ang kaniyang anyo. |
38 | Walang nanatiling salita niya sa inyo dahil hindi kayo sumampalataya sa sinugo niya. |
39 | Sinaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat inaakala ninyo na sa mga ito ay may buhay na walang hanggan. Ang mga kasulatang ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin. |
40 | Ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo ay magkaroon ng buhay. |
41 | Hindi ako tumatanggap ng pagluwalhati mula sa mga tao. |
42 | Alam ko na wala kayong pag-ibig sa Diyos. |
43 | Pumarito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kung may ibang paparito sa kaniyang sariling pangalan ay siya ninyong tatanggapin. |
44 | Papaano kayo makasasampalataya, kayo na tumatanggap ng papuri sa isa`t isa? Hindi ninyo hinahangad ang papuri na nagmumula sa iisang Diyos. |
45 | Huwag ninyong isipin na isasakdal ko kayo sa Ama. Si Moises na inyong inasahan ang siyang magsasakdal sa inyo. |
46 | Kung sumampalataya kayo kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin. Siya ay sumulat tungkol sa akin. |
47 | Kung hindi ninyo sinasampalatayanan ang kaniyang mga sinulat papaano ninyo sasampalatayanan ang aking mga salita? Pinakain ni Jesus ang Limang Libo |