| Chapter 17 |
1 | Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito at tumingin siya sa langit at nagsabi: Ama, ang oras ay dumating na. Luwalhatiin mo ang iyong Anak at nang luwalhatiin ka rin naman ng Anak. |
2 | Binigyan mo siya ng kapamahalaan sa lahat ng tao upang siya ay magbigay ng buhay na walang hanggan. Siya ay magbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo sa kaniya. |
3 | Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala ka nila, ang tanging tunay na Diyos, at si Jesukristo na iyong sinugo. |
4 | Niluwalhati kita sa daigdig. Tinapos ko ang gawaing ibinigay mo sa akin upang aking gawin. |
5 | Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong sarili ng kaluwalhatiang taglay kong kasama ka bago pa likhain ang sanlibutan. |
6 | Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay iyo at ibinigay mo sila sa akin. Tinupad nila ang iyong salita. |
7 | Ngayon ay alam nila na lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo. |
8 | Ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin. Tinanggap nila ang mga ito. Tiyak ang pagkaalam nila na ako ay nagmula sa iyo. Sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. |
9 | Ipinapanalangin ko sila. Hindi ko ipinapanalangin ang sanlibutan kundi sila na ibinigay mo sa akin sapagkat sila ay iyo. |
10 | Ang lahat ng akin ay iyo at ang mga iyo ay akin. Ako ay naluluwalhati sa kanila. |
11 | Ngayon ay wala na ako sa sanlibutan ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Ako ay patungo sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Ingatan mo sila upang sila ay maging isa tulad natin. |
12 | Nang ako ay kasama nila sa sanlibutan ay iningatan ko sila sa iyong pangalan. Ang mga ibinigay mo sa akin ay iningatan ko. Walang sinuman sa kanila ang nawala maliban sa kaniya na malilipol upang ang kasulatan ay matupad. |
13 | Pupunta ako sa iyo ngayon. Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko sa sanlibutan upang ang aking kagalakan ay mapuspos sa kanila. |
14 | Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita. Sila ay kinapootan ng sanlibutan dahil sila ay hindi taga-sanlibutan, tulad ko rin na hindi taga-sanlibutan. |
15 | Hindi ko idinadalangin na kunin mo sila sa sanlibutan kundi ingatan mo sila mula sa kaniya na masama. |
16 | Sila ay hindi taga-sanlibutan tulad ko na hindi taga-sanlibutan. |
17 | Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng iyong katotohanan. Ang iyong salita ay katotohanan. |
18 | Kung papaanong sinugo mo ako sa san-libutan, gayon din naman, sinugo ko sila sa sanlibutan. |
19 | Para sa kanilang kapakanan pinababanal ko ang aking sarili upang sila ay maging banal din naman sa pamamagitan ng katotohanan. |
20 | Hindi lamang sila ang aking mga idinadalangin. Idinadalangin ko rin naman ang mga sasampalataya sa akin sa pamamagitan ng salita nila. |
21 | Idinadalangin ko na sila ay maging isa, Ama, tulad mo na sumasa akin at ako ay sumasa iyo. Idinadalangin ko na silang lahat ay maging isa sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. |
22 | Ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila ay maging isa tulad natin na isa. |
23 | Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin upang sila ay maging ganap na isa at upang malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako. Ito rin ay upang malaman nila na iniibig mo sila tulad ng pag-ibig mo sa akin. |
24 | Ama, nais ko na ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko sa kinaroroonan ko. Ito ay upang mamasdan nila ang aking kaluwalhatian na iyong ibinigay sa akin dahil iniibig mo na ako bago pa itinatag ang sanlibutan. |
25 | Amang matuwid, hindi ka nakilala ng sanlibutan. Kilala kita at alam ng mga ito na ako ay sinugo mo. |
26 | Inihayag ko sa kanila ang iyong pangalan at ihahayag pa upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasa kanila at ako ay suma kanila. |