| Chapter 20 |
1 | Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria na taga-Magdala. Madilim pa noon. Nakita niya na ang bato ay naalis sa libingan. |
2 | Siya ay tumakbo at nagpunta kay Simon Pedro at sa isang alagad na inibig ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan. Hindi namin alam kung saan nila siya inilagay. |
3 | Lumabas nga si Pedro at ang isang alagad na iyon at pumunta sa libingan. |
4 | Magkasamang tumakbo ang dalawa. Ang nasabing isang alagad ay tumakbo nang mabilis kaysa kay Pedro at naunang dumating sa libingan. |
5 | Nang siya ay yumuko, nakita niya ang mga kayong lino na nakalapag. Magkagayon man ay hindi siya pumasok sa loob. |
6 | Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niyang nakalapag ang mga kayong lino. |
7 | Nakita rin niya ang panyong inilagay sa ulo ni Jesus na hindi kasamang nakalapag ng kayong lino. Ito ay hiwalay na nakatiklop sa isang dako. |
8 | Pumasok din naman ang isang alagad na iyon na naunang dumating sa libingan. Nakita niya at siya ay sumampalataya. |
9 | Noon ay hindi pa nila alam ang kasulatan, na siya ay dapat bumangon mula sa mga patay. |
10 | Ang mga alagad nga ay muling umalis pauwi sa kani-kanilang tahanan. |
11 | Gayunman, si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin sa loob ng libingan. |
12 | Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng pinaglagyan ng bangkay ni Jesus. |
13 | Sinabi nila sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay. |
14 | Pagkasabi niya ng mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo. Hindi niya alam na iyon ay si Jesus. |
15 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo? Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Sinabi niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya. |
16 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria. Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni, na ang ibig sabihin ay guro. |
17 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakapaitaas sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos. |
18 | Si Maria na taga-Magdala ay nagpunta sa mga alagad. Sinabi niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. Sinabi rin niya na ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya. |
19 | Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo, nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna at sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. |
20 | Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. |
21 | Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, ganoon ko rin kayo isinusugo. |
22 | Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. |
23 | Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad. |
24 | Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. |
25 | Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon. Sinabi niya sa kanila: Hindi ako maniniwala, malibang makita ko ang pinagpakuan sa kaniyang mga kamay. Malibang mailagay ko ang aking mga daliri roon, hindi ako maniniwala. Hindi ako maniniwala malibang maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran. |
26 | Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. |
27 | Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka. |
28 | Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos. |
29 | Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya. |
30 | Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. |
31 | Ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan. |