| Chapter 5 |
1 | Mga mayayaman, makinig kayo, kayo ay tumangis at pumalahaw sa darating ninyong mga paghihirap. |
2 | Ang mga kayamanan ninyo ay nabulok. Ang mga damit ninyo ay kinain ng tanga. |
3 | Ang mga ginto at pilak ninyo ay kinalawang. Ang kalawang ng mga ito ang magiging patotoo laban sa inyo at siyang kakain sa inyong mga laman tulad ng apoy. Kayo ay nag-imbak ng kayamanan para sa mga huling araw. |
4 | Tingnan ninyo. Ipinagkait ninyo ang mga upa ng mga manggagawang gumapas sa inyong mga bukirin. Ang kanilang mga upa ay umiiyak. Ang iyak ng mga manggagawang gumapas ay narinig ng Panginoon ng mga hukbo. |
5 | Kayo ay namuhay sa mundong ito sa kasaganaan at pagpapasasa. Binusog ninyo ang inyong mga puso tulad sa araw ng pagkakatay. |
6 | Inyong hinatulan at pinatay ang taong matuwid. Hindi niya kayo tinututulan. |
7 | Mga kapatid ko, magtiis kayo hanggang sa pagbalik ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka kung papaano siya naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa. Matiyaga niya itong hinihintay hanggang sa pagdating ng una at huling ulan. |
8 | Magtiis din nga kayo at patatagin ninyo ang inyong mga loob sapagkat malapit na ang pagbabalik ng Panginoon. |
9 | Mga kapatid, huwag kayong maghinagpis sa isa`t isa upang hindi kayo mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa pintuan. |
10 | Mga kapatid, gawin ninyong halimbawa ang mga propeta na nangaral sa pangalan ng Panginoon. Sila ang mga halimbawa na dumanas ng paghihirap at ng pagtitiis. |
11 | Tingnan ninyo, itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Diyos. Nalaman ninyo na ang Panginoon ay lubhang maawain at mahabagin. |
12 | Ngunit higit sa lahat mga kapatid ko, huwag kayong susumpa. Huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng langit o lupa o ng ano pa mang panunumpa. Ang inyong oo ay dapat maging oo, ang inyong hindi ay dapat maging hindi upang hindi kayo maging mapagpakunwari. |
13 | Mayroon bang napipighati sa inyo? Hayaan siyang manalangin. Mayroon bang masaya sa inyo? Hayaan siyang magpuri. |
14 | Mayroon bang may malubhang sakit sa inyo? Hayaan siyang tumawag sa mga matatanda sa iglesya. Hayaan silang ipanalangin siya at pahiran siya ng langis sa pangalan ng Panginoon. |
15 | Ang panalanging may pananampalataya ay makapagpapagaling sa taong maysakit at siya ay ibabangon ng Panginoon. Kung mayroon siyang nagawang mga pagkakasala, siya ay patatawarin sa mga iyon. |
16 | Magpahayagan kayo ng inyong mga pagkakamali sa isa`t isa. Magpanalanginan kayo sa isa`t isa, upang gumaling kayo. Ang mabisa at taimtim na panalangin ng taong matuwid ay maraming nagagawa. |
17 | Si Elias ay taong may damdamin ding tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa sa loob nang tatlo at kalahating taon. |
18 | Muli siyang nanalangin at ang langit ay nagbuhos ng ulan, ang lupa ay nagbigay ng ani. |
19 | Mga kapatid, maaaring ang isa sa inyo ay lumihis sa katotohanan at siya ay napanumbalik ng isa sa inyo. |
20 | Dapat malaman ng nagpanumbalik sa makasalanan mula sa landas ng pagkakamali, na siya ay makapagliligtas ng isang kaluluwa mula sa kamatayan. Siya ay magtatakip ng maraming kasalanan. |