| Chapter 3 |
1 | Mga kapatid ko, alam ninyo na kaming mga guro ay tatanggap ng lalong higit na kahatulan. Kaya nga huwag maging guro ang marami sa inyo. |
2 | Tayong lahat ay madalas na nagkakamali. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap. Napipigil niya ang buo niyang katawan. |
3 | Tingnan ninyo, nilalagyan natin ng bukado ang bibig ng mga kabayo upang tayo ay sundin nila. Sa pamamagitan ng bukado ay naililiko natin ang buong katawan nila. |
4 | Tingnan din ninyo ang mga barko. Ang mga ito ay malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin. Gayunman, bagamat malalaki, ang mga ito ay inililiko ng napakaliit na timon saan man naisin ng tagatimon. |
5 | Gayon din ang dila, isang maliit na bahagi ng katawan ngunit nagyayabang ng mga dakilang bagay. Tingnan ninyo, ang maliit na apoy ay nagpapaliyab ng malaking kagubatan. |
6 | Ang dila ay tulad ng apoy, daigdig ng kalikuan. Ang dila ay bahagi ng ating katawan na dumudungis sa kabuuan nito. Sumusunog ito sa lahat ng mga bagay tungkol sa ating pamumuhay at ito ay pinag-aapoy ng impiyerno. |
7 | Ang tao ay nagpapaamo ng lahat ng uri ng mga hayop at mga ibon at mga gumagapang na hayop at mga bagay sa dagat. Ang mga hayop na ito ay pinaaamo at napaamo na ng tao. |
8 | Ngunit walang nakapagpaamo sa dila. Ito ay masamang bagay na walang taong makapigil. Ito ay puno ng kamandag na nakamamatay. |
9 | Sa pamamagitan ng dila ay pinupuri natin ang Diyos Ama. Ginagamit din natin ito sa pagsumpa sa mga taong ginawa ng Diyos na kawangis niya. |
10 | Sa pamamagitan ng iisang bibig pinupuri natin ang Diyos at isinusumpa ang iba. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito ang mga bagay na ito. |
11 | Ang bukal ba ay nagbubulwak ng matamis at ng mapait na tubig sa iisang butas? |
12 | Mga kapatid ko, makapagbubunga ba ng olibo ang puno ng igos? o ang puno ng ubas ng igos? Ang bukal ay gayon din, hindi ito makapaglalabas ng maalat at matamis na tubig nang sabay. |
13 | Sino sa inyo ang matalino at nakauunawa? Hayaang ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kaniyang mga gawa na may mapagpakumbabang karunungan. |
14 | Maaaring magkaroon ng mapait na pag-iinggitan at pagtatalu-talo sa inyong mga puso. Kung mayroon man, huwag magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan. |
15 | Ang karunungang ito ay hindi nagmumula sa itaas, ito ay mula sa mundo. Ang karunungang ito ay mula sa kalikasan ng tao, ito ay mula sa diyablo. |
16 | Kung saan naroon ang pag-iinggitan at pagtatalo-talo, naroroon ang kaguluhan at bawat masasamang mga bagay. |
17 | Ang karunungang nagmumula sa itaas una sa lahat ay, dalisay, pagkatapos ay mapayapa, maamo, nagpapasakop, puno ng kahabagan at mabubuting bunga. Ito ay hindi nagtatangi at walang pagkukunwari. |
18 | Ang mga mamamayapa ay naghahasik nang mapayapa. Sila ay nag-aani ng bunga at ito ay ang katuwiran. |